ALAGAD NG MEDIA: Maglingkod sa Bayan!

ni Rolando B. Tolentino, Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla

Mga kasamahang ofisyal ng Kolehiyo, mga kapwa guro, kawani at estudyante, mga magsisipagtapos, inyong mga magulang at pamilya, mga kaibigan at bisita, Magandang umaga sa ating lahat. Hindi ba tunay na kakaiba ang ganda ng umagang ito, lalo na para sa lahat ng magsisipagtapos? Alam ninyo naman sa Masscom at UP, kaswal lang magdamit ang mga tao. Pero ngayong umaga, this is it!, what a feeling! ang araw na napagtagumpayan ninyo bilang inyong nakamit, buong-buo, dahil sa pangunahin, sa sariling pagpupursigi ninyo.

Ngayong umaga, ang Kolehiyo ay nagiging airport muli para ihatid kayo sa inyong mga destinasyon, pangarap at kinabukasan. At tulad ng mga kamag-anak at kaibigan na naghahatid sa airport, sabayang nalulungkot at nagagalak kami. Nalulungkot na iiwan na ninyo ang inyong Kolehiyo, at natutuwa na nagsisimula na kayo ng inyong paglalakbay para makamit ang inyong mga panaginip at pangarap.

Nalulungkot dahil, tulad ng nabanggit ko sa isang forum kamakailan, hindi pa rin maganda ang estado ng pamamahayag sa bansa: “Una, patuloy pa rin ang pagpaslang sa mga mamamahayag. Tinatayang mas
marami pa ang mamamahayag na napaslang sa dalawang taon ni Noynoy Aquino (12) kumpara sa unang dalawang taon ni Gloria Arroyo (5). Sa katunayan, noong ika-8 ng Abril 2012 ay binaril at napatay ang radio journalist na si Aldion Layao ng Bombo Radio sa Davao City.

Ikalawa, ang paglilitis sa naging “defining moment” ng pamamahayag sa mundo, ang Ampatuan massacre na may pinakamalaking bilang ng media killings sa kasaysayan ng pamamahayag sa buong mundo, ay mabagal pa rin ang nagiging pagdaloy tungo sa katarungan. Ayon nga sa private prosecutor at colleague natin sa Unibersidad Harry Roque, aabutin ng 55,000 na taon bago maresolba ang may 11,172 na kaso na nakabinbin sa korte. Sobrang natigatig ang mundo na idineklara ang araw ng massacre (23 Nobyembre) bilang “International Day to End Impunity.”

Ikatlo, kriminalisado pa rin ang libel sa bansa na ayon nga sa United Nations Human Rights Commission ay hindi tugma sa “freedom of expression.”

Ikaapat, patuloy pa rin ang mga tiwaling gawain sa mga profesyon na itinuturing bilang normal nang kalakaran: “envelopmental journalism” at iba pang anyo ng korapsyon, kontraktwalisasyon at iba pang hindi paborableng praktis sa paggawa, hierarkikal na turingan sa gawain, at kawalan ng suporta ng estado sa isang public broadcasting
system.

Ikalima, ang proliferasyon ng communication schools sa tertiary level—tinatayang may 600 ang bilang nito--ay nagdulot ng hindi pantay na kalidad ng graduates na mamumuno sa profesyon.” Ang mga ito ay ilan lamang sa kakaharapin ninyong mga pinakabagong magsisipagtapos ng Kolehiyo: na ang media environment ay mapanganib, hindi
paborable sa papaloob dito, at mahaba ang pila para sa mga trabaho sa komersyal na media. Pero natutuwa kami dahil palagay naming ay may kahandaang ginawa ang Kolehiyo at Unibersidad para magayak kayo sa peligrosong estado ng pamamahayag sa bansa. Kayo ay pinag-aral sa na may kamag-aral na pinaka-diverse ang backgrounds: halo-halo tayo sa U.P. tulad ng pagkakahalo ng profile ng ating bansa. Kayo rin ang nabiyayaan ng pinakaliberal na edukasyong maaring makamit sa bansa: maalam at nakikialam. At ang ating mga kurso sa Kolehiyo ay naghanda sa inyo sa pinakamataas na etikal, profesyonal at pro-mamamayan na panuntunan sa pamamahayag. Pero mapalad pa rin kayo dahil ang nagpaaral sa inyo ay ang mamamayang Filipino, lalo na ang pinakamahirap na bahagi nito, marami sa kanila ay ni hindi man lang makakatuntong sa U.P. at sa kolehiyo. Kayo ay skolar ng bayan, at sa bayan na nagpaaral sa inyo ang inyong magiging pananagutan simula muli bukas, ang unang araw na kayo ay gradwado na sa Unibersidad, ay ang bayan. Paglingkuran ang bayan para sa higit nitong ikakabuti.

Nais kong kilalanin ang mga ilang mga retirado ng Kolehiyo, na sa huling pagkakataon ay makakasama natin: si Illuminada Pio ng Records Section, sina Professors Tessa Jasminez at Dekana Georgina Encanto, at sa huling pagkakataon na magiging full-time na guro at pinakabagong Professor Emeritus ng Kolehiyo, si Dekano Nicanor Tiongson. Taos-pusong pasasalamat para sa inyong buhay na paglilingkod sa ating mag-aaral at Unibersidad.

Ang inyong pagtatapos ay hindi rin naman inyong-inyo lamang dahil kung wala ang inyong mga magulang, pamilya at kaibigang narito ngayong umaga, o sa iba’t ibang kadahilanan ay hindi natin makakasama, ay wala rin ang sandali at lugar na ito. Pasalubungan natin sila ng masigabong palakpakan.

Ang pagtatapos parang mainit na kape: kailangang mainit, mapait, tama ang timpla para sa sandali ng paghigop at ligaya. Ang pagtatapos parang pag-ibig: sinasara ang isang pinto, binubuksan ang susunod na pinto. Ang pagtatapos parang Masscom: pagkahaba-haba man, sa graduation at pagpapakadakila pa rin ang tuloy. Balikan ninyo ang Kolehiyo, bumalik-balik kayo sa Kolehiyo, bumalik kayo tatlong taon mula ngayon kung saan ipagdiriwang ng Kolehiyo ang kanyang golden year ng pagkatatag.

Bilang pangwakas, nais kong banggitin ang lyrics ng isang kanta, paborito ng yumaong kaibigan at kapwa guro sa Unibersidad, si Professor Nonoy Tamayo ng NIGS (National Institute of Geological Sciences) bilang pagnanais nating balikan, balik-balikan ang ating mga alaala sa Kolehiyo at Unibersidad. Mula sa “The Scientist” ng Cold Play:
Nobody said it was easy
Oh it's such a shame for us to part
Nobody said it was easy
No one ever said it would be so hard
I'm going back to the start

Kaya sa pinakabagong alagad ng media, at pinakabagong magsisipagtapos mula sa Kolehiyo, ang wakas na ito ay siya ring simula. Humayo at maglingkod sa bayan.! Itaguyod ang malaya at mapagpalayang media sa bansa!