Mga talumpati sa komemorasyon ng UP CMC sa Ampatuan massacre | ika-21 ng Nobyembre 2014

 

N.B. - This is the full text of the welcome remarks of Dean Roland Tolentino at the UP CMC Commemoration Activity on the Ampatuan Massacre last November 21 at the Freedom of Information Garden. What follows is an embedded video of the closing remarks of Associate Dean Danilo Arao as recorded by Engr. Mon Ramirez of Arkibong Bayan.

 

Nanatili ang interes at hangarin ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla sa pagkakamit ng katarungan sa mga biktima ng Ampatuan massacre.  Lubhang napakatagal na ng limang taon ng pag-aantay, lubhang napakabagal ng proseso sa korte para makamit ito. 

Habang walang katarungan, nananatili ang asulto, na parang sinampal ang Kolehiyo at iba pang 200 programa sa komunikasyon sa bansa:  na gayon na lamang, at hindi pa rin napaparusahan ang mga salarin sa massacre, ni hindi pa nga naaaresto ang marami sa kanila; na gayon na nga lang, at kaya pa rin nilang patayin ang isa sa mga saksi, si Dennis Sakal, dating driver ng dating meyor ng Datu Unsay, Maguindanao, dalawang araw lang ang nakakaraan; na gayon na lamang ang pwedeng gawin ng mga salarin para yurakan ang ating mga kalayaan sa pamamahayag at expresyon; na gayon na lamang ang pwedeng gawin sa mga profesyong tinuturuan natin para sa mga mag-aaral ng media at komunikasyon.

Ang isa sa dalawang balon ng shiftees palabas ng Kolehiyo ay galing sa Journalism, at ang dahilan ay dahil nga sa peligro ng profesyon.  Nananatiling marami ang hindi nagtutuloy piliin ang Journalism bilang kanilang kurso dahil sa takot ng mga magulang sa panganib ng profesyon.  Nananatili ang chilling effect ng Ampatuan massacre sa prospektibong mag-aaral at magsisipagtapos ng Journalism at media.

Sa pagpaslang ng mga salarin sa mga tagapaghatid ng balita, muli na namang pinapaslang ang mga tagapaghatid ng balita at kalayaan sa pamamahayag sa napakatagal na pagkakamit ng katarungan.  Dahil ito ay sampal rin sa mukha ng Kolehiyo at iba pang mga institusyong akademiko, pati ang mga profesyonal na institusyon ng media, kailangan nating muli’t muling gunitain ang Ampatuan massacre, ang patuloy na pagpaslang sa mga mamamahayag hanggang sa kasalukuyan, at ang mas malawakang kultura ng impunidad na walang takot ang mga salarin sa pinakakarumaldumal na gawain dahil hindi naman sila mapaparusahan.

Simula pa sa pangyayari limang taon na ang nakakaraan, taunang ginugunita ng Kolehiyo ang Ampatuan massacre, na idineklara rin ng mga nagtataguyod sa malayang pamamahayag bilang International Day to End Impunity.  Pinangalanan natin ang CMC Auditorium lobby na Press Freedom Hall, at naglagay tayo ng marker para sa unang taon ng Ampatuan massacre.  Pinangalanan ang second floor lobby ng Annex Building bilang Freedom of Expression Hall sa ikalawang taon; at nagtanim ng dalawang puno ng narra bilang Impuni-trees o heritage trees ng Kolehiyo sa ikatlong taon.  Pinangalanan ang hardin sa gitna ng gusali ng Plaridel at Annex bilang Freedom of Information Garden sa ikaapat na taon. 

At ngayon, sa ikalimang taon ng paggunita, wala na tayong kayang pangalanan pang bago kahit pa nananatiling tumatayog ang dalawang puno ng narra sa labas ng gusali.  Pero nandito tayo muli, sa ganitong panahon, sa ganitong kondisyon ng kawalan-katarungan, sa ganitong lunan ng ating Kolehiyo para muling manindigan laban sa kultura ng impunidad, laban sa Pangulong wala pa ring ginagawa para mapabilis ang prosesong ligal, para sa mga pamilya ng biktima ng massacre, para sa ating karapatan sa pamamahayag at expresyon.  Sabi nga ng makatang si Dylan Thomas ukol sa pagtanda at pagkalimot, “Do not go gentle into that good night./  Rage, rage against the dying of the light.”

Ito rin ay in-adapt ni Chikoy Pura sa kanyang kantang, “Rage,”

But I'll go not gently into the night
Rage against the dying of the light
Sing a song about this terrible sight
Rage until the lightning strikes
Go not gently, go not gently, go not gently
And rage with me.

Patuloy nating himuking magalit ang ating mga kaklase, kaibigan, pamilya at mga institusyong media hanggang hindi nakakamit ang katarungan para sa mga biktima ng massacre, na para rin sa kanilang mga pamilya at kaibigan, at sa publiko at mamamayan din naman, at sa ating mga batayang karapatan.

Isang nakakagalit pero nag-aalab na hapon ng pakikiisa sa ating lahat.

 

 

 

See video